Ako si Marcus. Nagtatrabaho ngayon sa isa sa mga kilalang call centers, isang BPO company ang tawag ng iba. Oh di ba, so ibig sabihin niyan magaling ako mag-english? Hindi naman, at ang kuwento ko ngayon ay hindi naman tungkol sa akin kundi tungkol sa babaeng hanep kung mag-english araw-araw. Yung tipong akala niya ay tama lahat ng pronunciation at grammar niya, mas madalas pa nga ang pagkakabaluktot ng pag-english niya. Hindi naman sa sinasabi ko na perpekto ako magsalita, which is not. Oh, sample lang yun. (haha)
Isang araw, nagkasabay kami sa jeep, kaka-awas lang namin noon sa trabaho, kasama pa yung isa naming katrabaho. So si ate englisera, super english na nakikipag-usap sa amin. Kami naman ay panay oo at okay lang ang sagot. Tapos, patango-tango na lang pero sa isip-isipan ko at siguradong pati ang kasama namin ay "Putcha ka.. Magtagalog ka na at mahiyan ka naman and daming estudyante." Yun ang gusto kong sabihin ngunit hindi maibuka ang bibig. Alam mo yung pakiramdam na parang ikaw na lang ang mahihiya sa ginagawa niya. Plus pa na kilala pang mahirap makapasok sa pinagtatrabahuhan namin tapos siya yung produkto ng kompanya, na maririnig ng ibang tao? Nakakahiya! Wait lang ibahin ko - NAKAKAHIYA. Kapital letters na para may diin ng todo.
Sumunod pa ang mga araw na palagi na kaming magkasabay sa jeep. Putik nga naman talaga o! Parehas na kami ng shift, baka forever na! Ayaw ko naman mag-taxi, may allergy kasi ako sa bulsa.
Expected na nga ang mga pangyayari, as usual, english pa din ng english si ate. Ayaw pang tumigil hanggang sa nagsalita ako,
"Ate magtagalog ka na, nosebleed na ko kaka-english sa trabaho e." Pabiro kong sabi.
"Why? Don't you understanding me?" nagtanong pa. Ang matindi pa ay parang tumaas pa ang boses, na parang pinamumukha sa akin na hindi ako marunong.
"Don't you understanding daw Mar?" tanong sakin ng kasama namin at sabay tawa. Napikon ata si ate dahil biglang sumalubong ang mga kilay niya.
Lumapit ako sa kanya ng bahagya at nagbulong, "Ate, dapat 'Can't you understand?' wrong grammar po kasi. Buti na yang ako magcocorrect sa iyo at hindi yung ibang tao." Mas lalo pang nagalit at sumigaw ng, "Shut up! And stay away upon me!"
So hindi ko na siya pinansin. Tumahimik na lang ako dahil sa nagtinginan na ang ibang tao. Yung bata na kaharap namin na parang nasa sampung taong gulang ay nagsalita, "Ate hindi po ba dapat 'stay away from me?' at hindi 'upon me'?" Binigyan diin talaga ng bata ang mga salitang FROM at UPON. Boom! Ayon na nga ba sinasabi ko e, nadali pa tuloy ng bata. At dahil dun di na nakatiis si ate, "Para!" sabay lingon sa bata at sinabing, "Tse! Tse kayong lahat!" At tuluyan na siyang bumaba.
Simula noon, hindi na niya ako pinapansin, Siya naman kasi e pinagsabihan ko na noon ayaw pang makinig. Wala din naman mawawala sa akin kung di niya ako papansinin, kaya hinayaan ko na siya.
Sumunod pa ang ilang buwan, nagannounce ang Management ng bagong opening para sa mas mataas na posisyon. At dahil medyo matagal na din ako sa kompanyang yun, napag-isipan kong mag-apply na lang. Kumalat sa buong floor ang mga pangalan ng nag-apply. Nagulat ako dahil dalawa lang kami ang nagkaroon ng lakas ng loob para mag-apply at ang matindi pa, ang kalaban ko ay si Ms. Feelingera sa English. So medyo nakampante na ako. Alam niyo na, mas malaki potential ko.
Dumating ang araw ng interview at nasabi kong successful talaga ang session na yun. Pagkatapos ng isang oras, sinabi na kong sino ang nakapasa.
Napayuko ako ng malaman ko at timing naman na dumaan si Ms. Englishera sabay sabi, "I still have the last laughter!" sabay tawa.
Akalain mo yun, siya pa ang natanggap. Mahigpit lang talaga ang kapit niya sa Management Team kaya siya ang nakuha. Ang iniisip ko na lang ay, nagkaroon lang ng opening for formality. Pero yung totoo, they have the name na kung sino ang kukunin nila.
Eto tuloy ako, parang nasa kaharian na ni Satanas at ang boss ko ngayon ay ang dating pinakamagaling na Call Center agent KUNO!

No comments:
Post a Comment